Ikalawang Serye ng Tula: #3 Torpe [Filipino Poetry Series]


Image Source

Tumutula ng mga di pinag-isipang pangungusap na nawawala na lang bigla sa alapaap. Humahalo sa alikabok at nagpapanggap na tila sila'y kayganda at katanggap-tanggap. Natatanging binibining kumikiliti sa aking pangingin. Ano bang gagawin upang ako ay iyong pansinin. Isasaboy ang intensyon sa kawalan at hihilingin na magkuntiyaba ang buong kalawakan. Upang pagtingin mo rin, sana balang araw, ay aking makamtan.

Sumusunod sa bawat hakbang ng yong damdamin. Hinihila ng pilit ang sarili kahit di na kaya pang lakarin. Hindi titigil, hindi susuko hanggang maabot ka at iyong dinggin. Tinig ng mumunting tulang kinakanta ng damdamin. Sinisintang binibini sana'y maging akin. Ano nga bang gagawin para ika'y angkinin. Itataboy ang lahat ng sagabal at magpapagal hanggang ikaw ay mahagkan. Sakaling pagititinginan natin, malay mo kung meron man, mauwi sa pagiging magkasintahan.

Idinuduyan ang lahat ng alaala simula nang panahon na ika'y nakilala. Inaalala hanggang mapawi lahat ng pangamba at maglaho ang mga pangungulila. Sabihin sa akin ano nga ba talaga ang dapat na gawin, upang pag-ibig ko sa'yo'y mabigyang tingin. Kahit isang saglit ay isipin. Nagbabaga't nag-aapoy na dalamhati ang kumakain sa puso at isipang umiibig sa'yo at ayaw kang palisanin. Nagsusumamo sa hangin, pagtingin ko sa'yo at pagtingin mo sa akin, sana'y magpantay at makabuo ng pag-iibigan matatawag nating sa atin.

Dinadaya ng panahon at ng mundo, pinangakuan ngunit ngayo'y napapako. Nagiging sakim at nahuhumaling. Ang nilalaman ng damdamin ay tanging pag-ibig para sa akin. At hindi para sa'yo. Hindi para sa'yo kasi hindi kita naisip. Magiging masaya ka ba sa aking piling or mas magiging maganda kung sa aki'y tuluyang mawawaglit. Itinataboy na ako ng pagkakataon at ipinagdadasal ng sumuko. Isang hakbang na lang at panigurado ika'y tuluyan nang lalayo. Sa pag-ibig ako'y nagiging alipin. Nagsusumamo at bumubulong sa masamang hangin. Gusto kitang makamtan ngunit kulang at di sapat. Pagtingin ko sa'yo'y tuluyan nang sinayang. Napagtanto lahat ng aking pagkukulang. Kung sa simula lang sana'y naging tapat, at hindi naging madamot sa damdaming sa'yo ay nararapat. Kung akin lang sanang ipinagtapat. Siguro sumagot ka ng "Oo" at ako'y hindi magkakaganito.


Muli, hinihikayat kong gamitin ang wikang Filipino at gamitin ang mga tag na #Philippines at #Pilipinas. Kung gagamit man ng Filipino sa isang paksa, iminumungkahing maglagay ng pagsasalin sa Ingles para sa mga banyaga nating kaibigan. Paumanhin at hindi ko magagawang isalin ang mga tula at prosa sa Ingles dahil mag-iiba na ang pagkakabuo nito.

Patuloy na suportahan ang @steemph at @bayanihan.


Maraming Salamat!

Thank you so much!