Ikalawang Serye ng Tula: #4 Tanghalan [Filipino Poetry Series]

Image Source
Isa kang malaking palabas na inuulan ng patalastas, wala ng mapanood sa pinilakang tabing na punit na sa mga gilid nito. Sa likod ay nakatayo ka at pinasisinagan ng yong lente ang kurtinang nakaharang sa kung ano ka, at kung sino ka.
Isa kang malaking palabas na mapagbalatkayo, nakatago sa maskara ng pagtatanghal, ipinapakita lamang ang mga kaaya-ayang eksena sa publikong pinaghahangaran mo ng masigabong palakpakang pupuno sa’yong tainga. Magbibigay ng galak sa mga lumuluha mong mata.
Isa kang malaking palabas, sumusunod sa pagkakasulat, umaayon sa anumang sabihin ng direktor na ang nais lamang ay itago ang yong tunay na anyo. Kung sino ka.
Hindi ka lang isa lang malaking palabas, isa kang tagpo na binubuo ng isang libong iba-ibang kwentong naglalaman ng libo pang mga indibidwal na tagpo na muli ay naglalaman ng di mabilang na istorya.
Isa kang makapal na iskrip na hindi mauubusan ng pahina ngunit walang mga nakasulat, kusa lamang itong napupuno sa paglipas ng bawat segundo, minuto, bawat pagtatanghal mo sa entablado.
Ngunit walang tabing, walang tatakip sa mundo upang hindi nila makita ang tunay mong anyong nababalot ng kagandahan, isang komplikadong likha ng sining na hindi kayang itanghal sa kahit saan.
Ngunit wala ring mga manonood, napapalibutan ka ng sandamakmak na tao sa paligid mo ngunit silang lahat ay may sari-sariling pagtatanghal, ang iba ay nakatakip, ang iba’y lantad. Ang iba’y mapagpanggap katulad ng kung ano ka sa ngayon, ang iba ay nagawa nang ibaon ang yaon sa kahapon.
Isa kang malaking palabas, na walang tatangkilik, walang sisigaw, walang mag-aabang, walang maniniwala. Sapagkat hindi naman yun ang importante. Sa palibot mo ay mga tao, pero bago sila ay napalilibutan ka muna ng mga salamin kung saan mapapanood mo ang iyong sariling pagtatanghal, ang iyong palabas, ang yong buong pagkatao, yun lang, ikaw lang, yun lang naman ang mahalaga; ang mapanood mo ang yong sarili at maunawaan mo na hindi mo kailangang magtago sa mga kurtina para lang maipalabas ang peke mong pagkatao sapagkat sa likod nito ay isang obra, isa kang obra...
Isa kang lang malaking palabas ngunit ikaw ang natatangi at pinakamakabuluhan sa lahat kung manonood ka lang.
Maraming Salamat!
Thank you so much!


